Thursday, December 06, 2007

Mabuhay ka, Rene!






Rene O. Villanueva
September 22, 1954 - December 5, 2007

Dakilang alagad ng sining, premyadong manunulat,
Ama ng panitikang pambata sa Pilipinas
at tagapagtaguyod ng sining pantanghalan.

Mula sa Hiling at Habilin Kapag Natepok, panapos na kabanata ng (Im)Personal: Gabay sa Panulat at Pagmamanunulat

...Ang gusto kong pagdadalamhati para sa akin. Ayoko ng mga nagpapalahaw sa iyakan. Ayoko ng grief na Charito Solis, iyongkailangan pa ng dalawang tao sa magkabilang kamay para mapatahimik;ang gusto ko'y paninimdim na kalamay, mala-Lolita Rodriguez.

Hindi rin kailangang magluksa sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit naitim o puti. Para hindi na gumastos pa. Tama na iyong kung anongdamit ang mayroon sila. Kahit bulaklakin o kulay-pula. Wala sa kulay ng damit ang pagluluksa, wika nga ni Fanny Garcia sa "Saan Darating ang Umaga?" Ang pagluluksa ay nasa puso, sa taimtim na panalangin namaging payapa sana sa kabilang-buhay ang kaluluwa ng pumanaw.

Gusto ko ng apat hanggang limang araw na lamayan. Sana ay maiburol ako kahit isang gabi lang sa UP Chapel. Sa lamayan sa UP, gusto kong alalahanin ako bilang tao: ama, kapatid, kaibigan at kakilala.

Kung ako ang masusunod, apat na magkakaibang programa sa lamayan, bago ang sa UP, ang gusto ko mairaos. Bawat gabi'y iba-iba ang tema: sa unang gabi, si Rene bilang guro; sa ikalawa, si Rene bilang mandudula o alagad ng teatro; sa ikatlo, si Rene bilang manunulat para sa mga bata. Gusto ko'y may pokus ang programa; para hindi malunod sa dalamhati ang mga makikiramay. Tiyaking hindi lamang mga big time at mga writer ang aanyayahang magsalita.

Kung may programang gagawin, dapat kasama si Edgar Ubales at si Dante ng PCTVF. Ayoko ng basahan ng tula; mas gusto ko ang straight talk.At ang pinakaaasam ko para sa huling gabi: sana'ymay isang gabi ng videookehan. Kantahan at kantiyawan. Wala nang pasenti-senti. Bawat isa ay pipili ng kantang dedicated sa akin siyempre. At ipapaliwanag ng kakanta kung bakit napili ang kantang iyon. Sa lamay, sana ay may malalaking notebook para maisulat ng mga makikiramay ang huling habilin nila sa akin at sa aking mga naulila, bukod sa rehistro ng mga dumalo sa burol. Ayoko ring bukas ang kabaong sa aking burol. Hind ko gustong dinudukwang-dukwang at sinisilip-silip ako habang nananahimik.

Natitiyak kong wala namang magbabago sa mukha ko para mapagbigyan ang curiosity ng ilan. Problema pa kung hindi maayos ang pagkaka-make-up sa akin. Ayokong magsuot ng barong sa burol ko. Gaya ni Mike, gusto kong ililibing nang karaniwan lang ang suot. Isang kumportableng pares ng damit; sana'y matingkad at masaya ang kulay: pula, orange o dilaw. Kung asul, powder blue. Kung kailangang magsapatos, tama na ang isa sa aking mga rubber shoes. Iyong ginagamit ko hanggang sa huling sandali.

Papunta sa sementeryo, sana ay patugtugin ang mga kanta mula sa Batibot. Kung may panahon o boluntaryo, maaaring ipaareglo ang funeral version ng theme song ng Batibot.

On a more serious note, sana'y maging okasyon ang pagyao ko para makapagtatag ng isang foundation. Pero ang gusto kong foundation ay iyong tutulong para sa training ng mga guro, facilitators, at resource person na ang gawain ay may kinalaman sa pagpapaunlad ng mga bata at kabataan. Trainors training ang gusto kong pokus ng foundation kung sakali. Mga bata at kabataan ang beneficiary, pero hindi direkta. Palagay ko, mas magiging mlakas ang impact atkontribusyon nito sa pagpapabuti ng buhay ng mga bata. At para masimulan ang pagtatayo ng foundation, maaaring singilin ang ilang tao na may utang sa akin. Iiwanan ko ang listahan sa isang kaibigan. Kailangan nilang magbayad kabilang ang interes. Bahala na ang mga opisyal ng ROV Foundation na magtakda kung magkano ang ipapataw na interes. Ang lahat ng ito'y napahiram ko sa pagitan ng 1999 at ng 2000.

Eniwey, ang lahat ng mga ito'y mga pangarap lamang.

Alam kong mahirap matupad, lalo kung wala na akong magagawa dahil nasa loob na ako ng kabaong. Huling hirit: Gusto kong mai-donate ang aking mga akda, lalo na ang mga draft sa UP Archives. Maraming salamat. At sa lahat, paalam!

0 saw it: