Diin
HALIKA ka. Tuloy. Dito,
itabi mo na muna diyan yang palumpon
ng mga bulaklak na handog sa'yo at
hindi ka naman istatwa ng Mahal
na Birhen na nilalapastangan lamang
ng mga binatilyong 'yan na
walang ibang nalalamang gawin
kundi ang maglaro lamang
ng mga baril-barilang regalo
ng kanilang mga nanay
noong Pasko. Tuloy ka. H'wag kang
mag-alinlangan. Ang talim ng tingin ko
ay hindi para sa'yo kundi upang
itaboy sila papunta
doon..............................sa malayo. Tuloy.
Halika. Tuloy. Huwag nang
pagtakhan ang antigong
pintuan na 'yan pati ang bronseng
pansara. Nabili ko ang mga 'yan
sa unang sahod ko
sa unibersidad. Sobrang tagal
na n'on—'wag mo 'kong pagtawanan.
Tuloy. Upo ka,..............diyan,
d'yan sa kulay-lumot na sofa
na pinili ng una kong kasintahan—o
mapapangasawa?—para sa 'kin, para dito.
Ay, sa ibang araw na natin sila pag-
usapan, ha?....................Oo,—hahaha!
—sige lang—hanggang maramdaman mong
bukas ito para sa'yo. Hindi ka tatanggihan
ng aking bahay, kahit pa suson-
suson na ang mga pinturang ibinalot sa mga
dingding nito na tadtad ng mga pakong
sabitan ng mga damit, pang-ilalim, sinturon,
sumbrero, kuwadro, marami pa. Hindi muna
kita sisilbihan ng maiinom, ha, mamaya na;
kakatapos pa rin lang naman ng meryenda,
at malamig itong hapon. Ba't walang tigil
ang kakatawa mo? Ako ba? O itong bahay?
Ay, ilabas na'ng libro't magbasa, mag-aral.
Kung gusto mo, hubarin mo 'yang sapatos
mong kasing-tingkad ng rosas ng iyong
mga labi, para mas maginhawa sa'yo.
Sa'yo muna ngayon 'yang sofa ko.
..........................................."May anghel,"
sambit mo nang saglit tayong nanahimik.
Nagtinginan na lang tayo. "Oo nga,"
sabi ko, "totoo ang anghel na 'yan," sabay
bitiw ko ng isang ngiti. "Dito ka muna, ha."
Hinabol......mo......pa......ako......ng......tingin.
Tumatanda na ang inumin mo sa pitsel,
nabuo na rin ang manipis na yelo, nag-
krema na ang sitrus at mansanas. Tamang-
tamang pantapos ng 'yong pagbabasa dahil
higit na uhaw pa ang..........darating.
25 Agosto 2011, Lungsod Naga
Comments