Tulad Tayo ng mga Tren
nagmamadali, buong kapakumbabaang
kumukubli sa anino ng kakahuyan
habang nakatuon sa paroroonan:
tinatalunton ang mga gulugod ng kabundukan,
bumabagal sa mga kurba, pinakikiramdaman
ang bigat ng hila-hilang pag-asa,
bumubulusok sa mga burol kung saan
ang hangi’y nagiging bugso: tayo’y
nalalapit na sa minamahal;
walang lungsod o nayon,
humihimpil tayo sa bawat istasyon—
lahat ay itinatangi;
walang ibang tunog kundi silbato, parang
tibok ng puso, hindi nagpaparaya
sa mga paglisan
tulad tayo ng mga tren,
lulan natin ang pag-ibig—
naglalakbay tayong dama ang init
ng minamahal, parang gulong na bakal
na walang hanggan humahaplos sa mga riles,
laging umaapoy maging sa buhos ng ulan;
naglalakbay tayong nananalig, gumigising
sa mga bayan-bayan at tulog na mga kabahayan,
nagbubukas ng mga bagong araw
tulad tayo ng mga tren,
lulan natin ang pag-ibig—
Comments